Umani ng kontrobersya ang pahayag ni Senador Alan Peter Cayetano noong September 23 sa umpisa ng plenary sessions sa pagtalakay sa 2027 budget.
Pinalutang kasi niya ang ideyang kusang mag-ambag ang mga Pilipino ng mahigit P170,000 bawat isa.
Ito ay bunsod ng mga ulat na sa P19.66 trilyon ang utang ng pambansang gobyerno sa pagtatapos ng Setyembre 2026, ayon sa Bureau of the Treasury. Katumbas ’yan ng 66.9% ng GDP, mula sa 66% noong katapusan ng Hunyo.
Sa madaling salita, lumaki na talaga ang utang kumpara sa laki ng ekonomiya.
Ang pahayag ni Cayetano ay pinatulan naman ng media. Sa iba’t ibang ulat, pinukaw ang atensyon ng mga tao sa tanong na, “Magkano ang utang ng bawat Pilipino?”
Ang sagot umano ay P174,405.06. Nakuha ’yan sa paghahati ng utang ng gobyerno sa populasyong naitala sa 2024 census.
Ngunit may pakiusap ako sa media at sa mga politiko. Tuwing lumalabas ang bagong datos sa utang ng gobyerno, tigilan na po sana natin ang pagsasabing “ganito na kalaki ang utang ng bawat Pilipino.”
Alam ko naman kung bakit patok ang linyang ’yan. Mahirap arukin kung gaano kalaki ang isang trilyong piso. Kapag hinati mo ang utang sa dami ng Pilipino, mas relatable ang halaga at mas madaling isama sa headline.
Ngunit ang implikasyon ng ganitong numero ay pati ang mga sanggol na kapapanganak lang ay may utang na dapat bayaran. At pinapahiwatig din na pwedeng singilin ang bawat Pilipino. Maling-mali ito!
Tandaan na gobyerno ang umutang. Gobyerno rin ang may obligasyong magbayad.
Siyempre, apektado tayong mga ordinaryong mamamayan dahil sa buwis din natin nanggagaling ang malaking bahagi ng perang ginagamit ng gobyerno para magbayad. Bukod diyan, kapag lumalaki ang kinakain ng interes sa budget, mas kaunti ang perang puwedeng ilaan sa mga silid-aralan, ospital, at iba pang serbisyo.
Pero wala tayong kanya-kanyang bill na katumbas ng “utang kada Pilipino.”
Misleading ang debt per person na numero. Kasi kung pareho lang ang utang ng gobyerno at dumami ang populasyon, bababa agad ang utang kada tao. Pero may nabayaran ba ang gobyerno? Wala. Nadagdagan ba agad ang koleksiyon ng buwis? Wala rin. Bumaba ang numero dahil dumami ang pinaghati-hatian.
Kaya ang mas magandang tanong na dapat nating sagutin ay: Sustainable ba ang utang? At kaya bang tugunan ng gobyerno ang mga obligasyon nito sa paglipas ng panahon nang hindi napipilitang magtaas nang husto ng buwis o magbawas nang malaki sa mahahalagang serbisyo?
Source: Bureau of Treasury
Gaano kalaki ang utang kumpara sa ekonomiya?
Dito pumapasok ang konsepto ng “debt-to-GDP ratio.”
Kinukumpara nito ang kabuuang utang sa gross domestic product o GDP, ang halaga ng mga produkto at serbisyong nalilikha ng ekonomiya sa loob ng isang taon.
Halimbawa, kung P15 trilyon ang utang at P25 trilyon ang GDP, 60% ang ratio.
Kung tumaas ang utang sa P16 trilyon pero lumaki ang GDP sa P28 trilyon, bababa ang ratio sa mga 57%. Lumaki ang utang sa piso, pero mas mabilis lumaki ang ekonomiyang pinanggagalingan ng kita at buwis.
Walang namang awtomatikong “safe” na numero. Magkaiba ang sitwasyon ng dalawang gobyernong pareho ang debt-to-GDP ratio kung mas mataas ang interes na binabayaran ng isa, o kung mas maliit ang nakokolekta nitong buwis.
Kaya mahalaga ring tingnan kung pataas o pababa ang debt-to-GDP ratio at kung gaano kalaki sa kita ng gobyerno ang napupunta sa interes.
Must Read [In This Economy] The Philippines has entered stagflation territory
Alin ang mas mabilis, interes o growth ng ekonomiya?
May isa pang paghahambing na madalas gamitin ng mga ekonomista, at ito ang r vs. g.
Ang r ay ang average na interes sa utang ng gobyerno, at ang g ay ang bilis ng paglago ng ekonomiya.
Kapag mas mabilis lumaki ang ekonomiya kaysa sa interes sa utang, mas madaling pigilan ang pagtaas ng debt-to-GDP ratio. Kapag mas mataas naman ang interes kaysa sa paglago, mas mahirap.
At kahit paborable ang agwat, puwede pa ring tumaas ang debt ratio kung taon-taon ay mas malaki ang gastos ng gobyerno kaysa sa kita nito, kahit ibukod pa ang bayad sa interes.
Panghuli, at marahil pinaka-importante, dapat ding tanungin: Saan napunta ang inutang?
‘Di naman kasi masama ang umutang. Kung ginamit sa tulay na nagpapababa ng gastos sa pagbiyahe at pagdadala ng produkto, may pakinabang na puwedeng tumagal nang maraming taon. Ngunit kung napunta sa proyektong binayaran pero wala palang naitayo (aka “ghost projects”), taon din nating babayaran ang interes.
Kaya sa susunod na maglabas ng datos sa utang, ito ang itanong natin sa mga opisyal: Gaano kalaking bahagi ng kita ng gobyerno ang kinakain ng interes? Sa bilis ng paglago ngayon, saan papunta ang debt-to-GDP ratio? At ano ang naipagawa o naibigay sa publiko gamit ang perang inutang?
Mas may silbi sa mga Pilipino ang mga sagot diyan, kaysa sa isa na namang click-baity headline na may utang daw ang bawat isa sa atin. – Rappler.com
Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD, is an associate professor at the University of the Philippines School of Economics. His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.
His first book, False Nostalgia: The Marcos “Golden Age” Myths and How to Debunk Them, was published by Ateneo de Manila University Press in February 2023. His second book, Twin Plagues: How Duterte and COVID-19 Wrecked the Philippine Economy, was published by Penguin Random House SEA in June 2026. Follow him on Instagram (@jcpunongbayan).
Below are In This Economy pieces you may have missed:
[In This Economy] Notes from Cambodia
[In This Economy] Should Filipinos’ ‘consumption culture’ be blamed for the weak peso?
Click here for other In This Economy articles.